Mababaw (January 24, 2019)

“Hearing what he was doing, a large number of people came to him also.”

Sa ating Ebanghelyo, dinumog ang Panginoon ng mga tao. Narinig kasi nila ang mga kababalaghang ginawa niya.

Lahat naman dapat ay lumapit sa Panginoong Jesus sapagkat lahat ay may pangangailangan. Sa mga pagkakataong lumalapit ka sa Panginoon, anu-ano ba ang mga ipinapanalangin o hinihingi mo sa kanya?

Sana hindi lamang mga materyal na bagay o mga bagay na lumilipas nakafocus kundi sa mga bagay na mas lalong mahalaga. Katulad ng mas malalim na ugnayan sa Kaniya at ang buhay na walang hanggan sa langit na makakasama natin siya.

Huwag sana tayong manatiling mababaw na nakatingin lamang sa mga materyal na pangangailangan bagkus idulog sa Diyos ang mas mahahalaga pa. 

Amen.

Para sa Tao (January 22, 2019)

“The sabbath was made for man, not man for the sabbath.”

Dalawang bagay ang nais kong bigyang pansin sa Ebanghelyo natin ngayon.

Una ay ang SABBATH at ang LINGGO.

Sa Banal na Kasulatan, sabbath ang araw na nakalaan para sa Diyos. Sa ating mga Katoliko, Linggo ang araw para sa Panginoon. Bakit? Sapagkat sa araw ng Linggo nabuhay muli ang Panginoon. Kaya nga ang bawat Linggo maliban sa panahon ng Kuwaresma at Adbiyento at Pasko ay araw ng pag-aalala/pagdiriwang ng muling pagkabuhay ng Panginoon. Kaya hindi na Sabbath kundi Linggo na.

Ikalawa, ang Linggo ay ginawa para sa mga tao. Inihayag ito para sa mga tao upang paalalahanan ang lahat na ang araw na ito ay para sa Diyos at sa araw na ito dapat sambahin ang Diyos. Kaya nga marapat na ILAAN natin ito sa Panginoon. Sa araw ng Linggo, dapat nating i-prioritize ang Diyos.

Huwag sana nating ipagdamot sa kanya ang isang oras na hinihingi niya sa atin. Ipadama natin sa kanya ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng buo, maayos at aktibong pakikiisa sa pagdiriwang na ito.

Amen.

Kabataan (January 20, 2019)

Feast of Sto. Niño

“Siya’y umuwi kasama nila sa Nazaret, at naging masunuring anak. Patuloy na lumaki si Hesus. Umunlad ang kaniyang karunungan, at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.”

Ang paglago ng isang bata ay nakasalalay sa mga sumusunod:

Una ay sa mga magulang nila at sa kanyang tahanan. Sa ating Ebanghelyo, makikita natin ang Panginoong Hesus na lumago sa karunungan at kinalugdan ng Diyos at ng mga tao. Salamat sa Kaniyang pamilya na sina Jose at Maria. Ito rin ang panawagan sa mga magulang, ang maging totoo sa kanilang misyon at obligasyon na tunay na gabayan ang kanilang mga anak upang maging mabuting mananampalataya at mamamayan. Sa pagpapalaki sa kanya tandaan ang paalala ng isang pilosopo na nagsabi,

“Educating the mind without educating the heart is no education at all.”

Ano ang ibig niyang sabihin? Ang palakihin ng balanse ang kanilang mga anak. Tulungang malinang ang kanilang angking katalinuhan ngunit huwag kalilimutan na turuan silang MAGING TAO at MAGPAKATAO gayundin ang MAKIPAGKAPWA-TAO. Huwag lamang patabain ang utak bagkus bigyang pansin ang PUSO.

Ikalawa, may kasabihan tayong “It takes two to Tanggo”. Kailangan din ang pakikiisa ng mga kabataan. Mahalagang maipaunawa ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kanilang ginagawa para sa kanila upang sila ay makinig at sumunod. Sa mga kabataang nakauunawa naman, magandang tularan ang Panginoong Jesus sa Ebanghelyo na naging masunurin sa Kaniyang mga magulang.

Ipanalangin natin ang lahat ng mga magulang upang sila ay maging tapat sa kanilang misyon sa kanilang mga anak at gayundin ang mga kabataan na maging bukas at maging masunurin sa gabay ng kanilang mga magulang.

Amen.

Lapit (January 19, 2019)

Saturday, 1st Week in Ordinary Time

“Many tax collectors and sinners sat with Jesus and his disciples.”

May mga tao akong nakakausap at nagcocomment sa kapwa nila na sinasabing, “Simba ng simba pero ang sama naman ng ugali.” 

Dalawang bagay ang magandang pagnilayan natin:

Una, matuto sana nating tingnan ang ating mga personal na kahinaan at huwag ang kahinaan ng iba sapagkat lahat naman tayo ay may kahinaan. Ma-identify natin ito at at buong kababaang-loob na tanggapin natin ito.

Ikalawa, idulog natin ito sa Panginoon upang ng sa gayon ito ay dahan-dahan nating mabago sa tulong ng Diyos at gayundin sa pagtitiyaga nating magpakabuti.

Mga kapatid, ang Ebanghelyo natin ngayon ang magpaalala sa atin na ang Diyos ay naparito para tawagin tayong lahat pati na rin ang mga MAKAKASALANAN (tayo yun di ba). Kaya nga welcome sa Kaniya ang lahat (pati ang mga tax collector at sinners) na dumudulog sa kanya. Tandaan din natin ang sinabi ng Panginoon,

“Those who are well do not need a physician, but the sick do.”
“I did not come to call the righteous but sinners.”

At paalala din sa atin ng unang pagbasa na,

“Let us confidently approach the throne of grace to receive mercy and to find grace for timely help.”

Lumapit tayo sa Panginoon kahit tayo ay makasalana. Gayundin, matuwa at magpasalamat tayo kapag ang ating mga kapwa ay lumalapit sa Panginoon.

Amen.

Bukas (January 18, 2019)

1st Week in Ordinary Time

“Now some of the scribes were sitting there asking themselves, Why does this man speak that way?”

Sa totoo lang ina-admire ko ang mga tao na nagtatanong tungkol sa pananampalataya. Bakit? Tanda kasi ito na nais ng mga tao na ito na maunawaan ang pananampalataya nila. Ang nakakabahala na lang dito ay ang nga taong “SARADO.” 

Ipinaliliwanag na nga ang sagot sa pamamagitan ng mga paliwanag bunga pagsasaliksik/pagninilay ng mga dalubhasa, mga patunay Santo at gayundin ng Banal na Kasulatan ay ayaw pa rin tanggapin. 

Mas pinaniniwalaan pa ata ang mga taong nagmamarunong na wala namang sapat na pagaaral at pagsasaliksik sa katotohanan. Nakakabahala dahil sa SARADO na nga ang isip dahil ayaw umintindi, nagpapadala pa sa paliwanag ng kung sinu-sino. 

Nababanggit ko ito dahil sa ating Ebanghelyo nariyan ang mga eskriba na narinig at nakita na ang mga ginawa ng Panginoon at narinig na ang isinalaysay ng Panginoon ngunit ayaw pa din maniwala. SINARADUHAN kasi nila ang kanilang sarili.

Mga kapatid, Wag sana tayong maging mga Eskriba sa ating panahon ngayon. Maging bukas sana tayo sa katotohanan. Kilalaning mabuti kung sino ang susundan at susundin. Tandaan natin na ang Panginoon ay nagbigay sa atin ng babala tungkol sa mga BULAANG PROPETA (Matthew 7:15)

Panginoon turuan mo po kaming maging bukas at tanggapin ang katotohanang ipinahahayag sa amin ng Iyong mga hinirang.

Amen.

(January 17, 2019)

1st Week in Ordinary Time

“Then he said to him, “See that you tell no one anything, but go, show yourself to the priest and offer for your cleansing what Moses prescribed; that will be proof for them. The man went away and began to publicize the whole matter.”

Bakit kaya ayaw ng Panginoon na ipagsabi kaninuman na Siya ang nagpagaling sa lalaking may ketong?

Tatlong dahilan ang maari nating makita:

Una, dahil sa kapag nakilala na Siya, hindi na Siya basta makakapasok sa mga bayan na dapat Niyang daanan dahil sa pagkakaguluhan na Siya.

Ikalawa, ayaw ng Panginoon na makilala bilang “wonder worker” lamang bagkus makilala Siya kung sino talaga Siya.

Ikatlo, di pa iyon ang tamang panahon upang magpakilala Siya ng lubos bilang Mesias.

Sa kabilang dako naman, dapat nating makita na katulad ng lalaking Pinagaling sa ketong, ang kanyang kagalakan na ipahayag ang kabutihan ng Panginoong Hesus sa mga tao.

Sana matularan din natin ang lalaking iyon; pinahalagahan niya ang regalong kaloob sa kanya at pinahalagahan niya ang Diyos na nagkaloob sa kanya ng mga biyaya. 

Tayo din ay blessed sa napakaraming pagkakataon. Pinahahalagahan ba natin ang mga blessing na natatanggap natin? Ang Diyos na nagkaloob sa atin nito, pinahahalagahan ba natin?

Amen.

Halaga (January 16, 2019)

“Rising very early before dawn,
he left and went off to a deserted place, where he prayed.”

No matter how BUSY you are, always find time for the people you care. Quality time with them is more valuable than the most expensive gift you can buy because your PRESENCE is the best gift you can give them.

Totoo ito sa ating relasyon sa ating mga kapwa lalo na sa mga malalapit sa ating puso; mahalaga ang panahon at mahalaga ang presensiya.

Totoo din ito sa ating Panginoong Diyos. Ito ang makikita natin sa ating Ebanghelyo ngayon. Ipinakita nang ating Panginoong Hesus na mahalaga para sa kanya ang AMA kaya naghanap siya ng pagkakataon at naglaan siya nang panahon sa pagdarasal.

Mahalaga ba sa atin ang Diyos? Mahal ba natin Siya? Kung totoo ang pagpapahalaga natin at pagmamahal sa kanya kailangang HANAPAN natin Siya ng PUWANG sa ating buhay at maglaan ng QUALITY TIME para sa Kaniya. Ang pagdarasal araw araw ay mahalaga pati na rin ang pagsisimba tuwing Linggo at mga Banal na Araw. Ipahayag din natin sa AMA na mahalaga Siya sa atin at mahal natin Siya.

Amen.

Totoo (January 15, 2019)

“And on the sabbath, He entered the synagogue and taught.”

Totoo ang pag-ibig ng Panginoong Hesus sa Kaniyang Ama kaya nga faithful Siya sa pagtungo sa sinagoga sa araw ng Sabat upang manalangin at pagnilayan ang Salita ng Diyos. Gayundin ay totoo Siya dahil sa ipinahahayag Niya ang Salita ng Diyos sa salita at sa gawa gaya ng ating nakita sa Ebanghelyo.

Ikaw? Ako? Tayong lahat ng mananampalataya, gaano katotoo na MAHAL natin ang DIYOS? Madaling sabihin ito pero naipapahayag ba ito sa ating pagkilos araw araw?
Nagdadasal ka ba araw-araw dahil sa ito ay pakikipag-usap sa Diyos? Gaano ka ka-faithful sa pagsimba at pagsamba sa Kanya tuwing araw ng Linggo? Siya ba ang priority mo sa araw ng Panginoon? Kumusta ang pakikitungo mo sa iyong kapwa? O baka wala ka rin pakialam sa iyong kapwa?

GAANO KA KATOTOO SA DIYOS? Ang Panginoong Hesus ay totong totoo sa Diyos hango sa Ebanghelyo natin. Totoo rin Siya sa atin at nagawa Niyang magkatawang-tao at magpakasakit para sa atin. Ikaw kaya? Tayo kaya?

Amen.

Iba’t Ibang Paraan (January 14, 2019)

Monday, 1st Week in Ordinary Time
Mark 1:14-20

“In times past, God spoke in partial and various ways to our ancestors through the prophets”

Sa Tipan, ang Diyos ay nagsasalita sa iba’t-ibang pamamaraan. Sa mga propeta, sa mga hari, sa mga hukom at gayundin sa iba’t-ibang pangyayari sa kanilang panahon.

Sa pagdating ng Panginoong Hesus, SIYA ang TAGAPAGSALITA at SIYA rin ang MENSAHE.

Sa pagbalik niya sa kanan ng AMA ay patuloy siyang nagsasalita upang patuloy na ipangalat ang katotohanan at patuloy na gabayan ang mga tao. Ang simbahan ay kasama sa mga lingkod na ginagabayan ng Banal na Espiritu at gayundin sa iba’t-ibang pangyayari sa buhay nating mga tao.

Maging bukas nawa tayo sa Kaniyang mga mensahe at sundin natin ito.

Amen.

KKK (January 13, 2019)

Feast of the Baptism of the Lord
Luke 3:15-16, 21-22
Ala Jore

Ang kapistahang ito ay hayagang pagpapakita sa atin ng pakikiisa, pakikisama at pakikilakbay sa atin ng ating Panginoong Diyos.

Bakit kailangan ng Panginoong Hesus na magpabinyag? Tandaan natin, ang pagbibinyag na kaloob ni San Juan Bautista ay binyag ng pagsisisi sa mga kasalanann at ang pagbabalik-loob. Hango ito sa kanyang isinigaw sa ilang na “pagsisihan/talikdan ang mga kasalanan.”

Tanong, makasalanan ba ang ating Panginoon?
Hindi naman di ba? Siya ay Banal at Anak ng Diyos kaya di Niya kailangan ng binyag ngunit niloob pa din Niyang magpa-binyag kay Juan. Tanda ito na KAISA, KASAMA at KALAKBAY natin Siya.

Mga kapatid, tandaan natin na ang Panginoon ay laging nariyan para sa atin at hindi tayo pababayaan. Ang pagpapabinyag Niya ay isang assurance na Siya ay nakikiisa, nakikisama at handang makilakbay sa atin. Tanggapin nawa natin Siya sa ating mga mga buhay. Tayo ay makiisa, makisama at makilakbay din sa Kaniya.

Amen.

Siya (January 12, 2019)

Saturday After Epiphany
John 3:22-30

“He must increase; I must decrease.”

Lagi na lang natin inuuna ang gusto natin. Minsan nga kahit na mali kapag gusto natin, ipinipilit pa din natin. Maging sa panalangin kahit mali ipinagpipilitan pa natin sa Diyos.
Ito ay pagpapakita na mas binibigyang halaga natin ang ating sarili kaysa sa iba at baka pa nga kaysa sa Panginoon.

Napakaganda ng paalala ni San Juan Bautista sa ating Ebanghelyo ngayon. Nais ni San Juan na makita natin na higit sa atin at sa ating kalooban ay ang Diyos at ang Kaniyang kalooban. HE MUST INCREASE AND I MUST DECREASE pa nga ang sabi Niya.

Ito rin sana ang maging aim natin sa taong ito; na ang kalooban ng Diyos (ang tama at mabuti) ang manguna kaysa sa ating mga gusto. SIYA at ang Kaniyang kalooban ang ating unang bigyan ng higit na pagpapahalaga at prayoridad sa buhay natin. Dagdagan natin ang ating pagtalima sa Kaniya.

Amen.

Dasal (January 9, 2019)

Wednesday After Epiphany
Mk. 6:45-52

“He had taken leave of them, He went off to the mountain to pray.”

Nagdadasal ka pa ba ng mataimtim?
Sa ating Ebanghelyo, narinig natin na ang ating Panginoon ay may panahon para sa mataimtim na panalangin.

Ito ang isa sa magandang matutunan natin sa ating buhay. Ang paglalaan ng panahon sa pagdarasal. Marahil may mga pagkakataon na busy tayo ngunit hindi dapat ito maging dahilan upang maputol ang ating ugnayan sa Panginoon.

Mas maganda kung sisimulan natin ang ating araw sa isang mataimtim na pagdarasal upang maialay natin ang ating araw sa Panginoon at upang makahingi tayo sa kanya ng tulong para maging maayos ang ating araw.

Ang pagdarasal ay napakahalaga. Huwag sana natin itong isantabi bagkus gawing prayoridad sa bawat araw ng ating buhay.

Amen.

Love (January 8, 2019)

Tuesday After Epiphany
Mk. 6:34-44

The common message of the 1st reading and the Gospel for today is LOVE. What do we mean by love?

Leave and learn
Leave your bad experiences behind together with the pain it brought you. However, learn from the mistakes made.

Openness
Like what Jesus in the Gospel did, He asked His disciples to take care of the people. He is also asking us to do the same: we have to open the door of our hearts to our neighbors.

Virtues should be acquired.
Our love for the Lord should be seen through our good acts continuously. Sa paulit-ulit na paggawa ng mabuti, makikita na ang isang tao ay lumalago at nagiging virtuous.

Eradicate negativity, anger, hatred and fear in our hearts.
Ito ang mga bagay na nagpapabigat sa ating paglalakbay.

Panginoon tulungan at gabayan mo po kaming lagi.

Amen.

Ilaw (January 7, 2019)

Monday After Epiphany
Mt. 4:12-17, 23-25

“Land of Zebulun and land of Naphtali crossed by the way to the sea, beyond the Jordan, Galilee of the Gentiles. The people who sit in darkness have seen a great light, on those dwelling in a land overshadowed by death, a light has arisen.”

Sa ating Ebanghelyo, narinig natin ang sinabi ng propeta; ang pagdating ng liwanag. Sa pagdating ng ating Panginoong Hesus dumating ang liwanag. Siya ang liwanag na papawi ng kadiliman dulot ng kasalanan at ang liwanag na siyang gagabay sa atin.

Mga kapatid, nawa’y tanggapin natin si Hesus na ating liwanag. Siya ang tunay liwanag na gagabay sa atin. Tandaan natin na siya mismo ang nagsabi ng mga katagang:

“Ako ang daan, katotohanan at ang buhay.”

(John 14:6)

Sa pagsimula ng taon nawa’y buksan natin ang ating buhay sa Kaniya.

Amen.

Effort (January 6, 2019)

Solemnity of the Ephipany of the Lord
Mathew 2:1-12

Sa ebanghelyo natin ngayon, narinig natin ang paglalakbay ng mga Pantas upang hanapin ang Sanggol na si Jesus.

Magandang tingnan ang kanilang paglalakbay. Noon ay tandaan natin na Kamelyo lamang o malamang asno lamang ang kanilang sinasakyan sa paglalakbay. Wala pa noong motor, kotse, jeep, bus at kung anu-ano pang uri ng sasakyan. Sa pagtingin natin dito, masasabi nating matindi talaga ang ginawang paglalakbay at paghahanap ng mga Pantas sa ating Panginoon. Masasabi din nating hindi biro at hindi ganoon kadali ang ginawa nila.

Mga kapatid, tanungin kaya natin ang ating mga sarili. Nag-eeffort ba tayo para makilala ang Diyos? Oooopsss mukhang marami ang guilty sa atin. Marami ang guilty dahil alam natin na kulang na kulang ang ating effort para sa pagkilala at pagtagpo natin sa ating Panginoon.

Kaya nga marami sa atin, mababaw at marami sa atin na konting kiliti ng ibang relehiyon ay madaling nahihimok dahil sa pagiging mababaw.

Sa kapistahang ito ng ating Panginoon, MAKITA sana natin at TULARAN ang halimbawa ng mga pantas at ang kanilang pagtitiyaga sa paghahanap, at pagnanais na matagpuan at makilala ang Diyos.

Amen.