Biyaya (February 12, 2020)

Wednesday, 5th Week in Ordinary Time

Sa Unang Pagbasa, ipihayag at ipinakita ang biyaya ng Diyos kay Solomon ang KARUNUNGANG walang katulad o kapantay. Ito ay ginamit niya para sa kabutihan ng Israel na kanyang pinamumunuan. Ito din ay nagamit niya para sa kabutihan ng iba. Sa araw na ito ay nakatulong siya sa reyna ng Seba na nagsasaliksik ng kaalaman at kaunawaan.

Tandaan natin, katulad ni Solomon tayo ay pinagpala ng Diyos. Totoo, HINDI pare-pareho ang pagpapalang tinanggap natin ngunit pare-pareho dapat tayong magpasalamat sa Diyos dahil sa kanyang kabutihan.

Gayundin, inaanyayahan tayo ng ating pagbasa na matutunan nating gamitin ito para sa ikabubuti ng nakararami. Ika nga “use your blessings wisely by sharing it with others.”

Panginoon, salamat po sa biyayang iyong kaloob. Turuan mo po kaming maging bukas-palad ng maibahagi namin sa aming kapwa ang tinanggap naming biyaya mula sa Iyo.

Amen.

Hiling (February 8, 2020)

Saturday, 4th Week in Ordinary Time

May babalang nagsasabi, “BE CAREFUL WITH WHAT YOU WISH/ASK FOR.” Ito ay paalala sapagkat maaring ang ating mga kahilingan o hinihingi ay hindi tama/makabubuti sa atin o sa kapwa natin o baka naman hindi makatotohanan. 

Sa unang pagbasa, binigyang pagkakataon ng Diyos si Solomon na hilingin ang ninanais niya sa pasimula ng kanyang pamumuno at doon nakita natin na mas hinangad at hiningi niya ang makabubuti ng kanyang paglilingkuran kaysa sa sarili. Pinili niya ang mabuti. Pinili niya ang kailangan. Pinili niya ang makatotohanan.

Ito din ang paalala sa atin ng Panginoon. Kung dudulog tayo sa kanya at kung may hihingiin tayo sa kanya sa panalangin sana ay pag-isipan nating mabuti muna. Tingnan kung ito ay makabubuti di lang sa sarili kundi sa iba. Tingnan kung kailangan talaga at syempre dapat makatotohanan ang inilalapit natin sa Panginoon.

Panginoon, tulungan mo po kami sa aming mga pangangailangan at pakinggan ang minimithi ng aming mga puso lalo na kung ito ag makabubuti para sa amin. 

Amen.

Bunga (February 3, 2020)

Monday, 4th Week in Ordinary Time

May kasabihan tayo, kung ano ang itinanim iyon din ang aanihin.

Sa Unang pagbasa, ipinahayag dito ang pagtakas ni David at ng kanyang kasamahan kay Absalom na kanya ring anak. Ito ang ipinahayag ni Propeta Natan kay David. Ito ang kaparusahang dulot ng kanyang pagkakamali laban sa Panginoon. 

Ang pagbasang ito ay paalala din sa atin na ang bawat pagkilos at desisyon natin ay palaging may kaakibat na epekto sa atin. Kaya nga kung gusto nating magkaroon ng maganda at maayos na bunga ang ating pagkilos, matutunan sana nating ayusin ang ating pagpili.

Panginoon, patuloy ka po sanang maging ilaw na nagbibigay tanglaw sa aming paglalakbay. Huwag mo po kaming pababayan bagkos patuloy na gabayan lalo’t higit sa aming pagpili at pagdedesisyon.

Amen.

Ilaw (February 2, 2020)

Presentation of the Lord

Madaming kadiliman ang ating nararanasan. Kadilimang tulad ng takot dulot ng pag-aaway ng mga bansa (USA at Iran). Mga kalamidad tulad ng Bagyong Tisoy at pati na rin ang pagsabog ng Bulkang Taal. Isa pa sa mga nakakatakot ngayon ay ang pagdating ng Novel Corona Virus. Bukod sa mga nangyayaring ito ay ang ating personal na mga problema at isipin. 

Sa mga pagkakataong ito, huwag sana tayong mabaon sa takot. Huwag din sana tayong mawawalan ng pag-asa sapagkat may Diyos tayong nariyan para sa atin. Sabi nga ni Simeon, “Siya ang liwanag, tatanglawan Niya ang ating daraanan.” Gayundin sinabi ni Simeon siya ang magiging tagapaglitas ng marami.

Panginoon tulungan mo po kami sanang magtiwala ako sa inyo. Huwag mo po kaming pababayaan bagkos patuloy na subaybayan.

Amen.

Amin (February 1, 2020)

Saturday, 3rd Week in Ordinary Time

Sa mga biruan, ilang beses ko ng narininig na may pang 11th at 12th commandment na daw. Sabi nila ang 11th commandment daw ay “Huwag kang papahuli.” Samantalang ang 12th commandment naman ay, “Kapag nahuli ka, huwag kang aamin.”

Naalala ko ang biro na ito dahil sa paalala ni Natan kay David. Una, ipinahayag niya na nakikita ng Diyos ang lahat. Kaya nga bagama’t lihim ang pagpapatay niya kay Urias upang makuha si Batsheba na asawa niya, ipinaalam ni Natan na ito ay alam ng Diyos. 

Ikalawa, napakaganda naman ng tugon ni David ng tawagin ni Natan ang kanyang pansin at sabihin sa kanya ang kanyang pagkakamali. Nagpakumbaba siya, di siya ng justify bagkos inamin niya ang kanyang kasalanan at humingi ng tawad.

Mga kapatid, ito din naman ang paalala sa atin ng Panginoon.:

Una, ang katotohanan ay wala tayong maitatago sa Diyos. Alam niya at nakikita niya ang ating pagkilos. 

Ikalawa, ang panawagan sa atin ng ating kapag tayo ay nagkamali magandang aminin natin ito at buong kababaang loob na humingi ng kapatawaran sa Diyos sa pamamagitan ng sakramento ng pagbabalik-loob.

Ikatlo, maunawaan natin na hindi sapat ang humihingi ng tawad sa Diyos. Mahalaga din na dahan-dahan nating baguhin o ituwid ang mga maling pagkilos natin.

Panginoon, patuloy mo po kaming gabayan upang ang aming pagkilos ay lagi sanang maging ayon sa iyong kalooban.

Amen.

Tukso (January 31, 2020)

Friday, 3rd Week in Ordinary Time

May isang kanta na nagsasabibing “TUKSO LAYUAN MO AKO.” Lalayo nga ba sa atin ang tukso? HINDI lalayo ang tukso. Kapag dumating ang tukso, hindi tayo lulubayan nito hangga’t hindi tayo nahuhulog sa kasalanan at nasisira nito. 

Ito ang karanasan ni David. Ito rin ay maaaring karanasan nating lahat. Sa kabila ng katahimikan at katiwasayan ay biglang dumarating ang tukso na may iba’t-ibang anyo para tayo ay bulabugin at upang mahulog o magkasala laban sa Diyos. 

Ano nga ba ang dapat nating gawin upang di tayo matukso at mahulog sa pagkakasala? 

Una, tayo ang umiwas sa tukso. Iwasan ang mga lugar, tao o kaya naman mga gawain na alam nating magdadala sa atin sa kapahamakan. Prevention is better than cure ika nga.

Ikalawa, we keep ourselves busy. Do not be idle kase sa pagkakataong ito dumarating ang tukso. Ito ang pagkakamali ni David. Panahon upang gawin ang kanyang misyon, ngunit iniasa niya ito sa kanyang mga pinuno kaya nakasingit ang tukso na nagdala sa kanya sa pagkakasala.

Ikatlo, ay dagdag dasal. Dagdag tawag sa Diyos sapagkat alam naman nating Siya ang pinagmumulan ng lakas natin. Kung ang Diyos ay kasama natin ay tiyak na malalampasan natin ang mga tukso na dumarating sa ating mga buhay.

Panginoon, iadya mo po sana kami sa tukso upang kami ay di magkasala laban sa Iyo. Palakasin mo po sana kami sapagkat kami ay mahihina. 

Amen.

Sino Ako? (January 30, 2020)

Thursday, 3rd Week in Ordinary Time

Sino ba ako para pagmalasakitan ng Diyos? 
Ito ang tanong ni David sa Diyos. 
Ito ay magandang itanong din natin sa ating sarili.

Mga kapatid, tandaan po natin, HINDI NAMIMILI ANG DIYOS. Wala Siyang paborito. Lahat tayo ay mahalaga sa Kanya. Lahat tayo ay pinagpapala Niya. Kaya nga, bata man o matanda, lalaki o babae, may ipin o wala, minamahal tayo ng Diyos. Ito din ang karanasan ni David sa Diyos, pinagmalasakitan siya hindi dahil sa espesyal o may nagawa siyang dakilang bagay kundi pinagmalasakitan siya dahil mahal siya ng Diyos.

Mga kapatid, patuloy tayong dumulog sa Diyos may pangangailangan man o wala. Pasalamatan natin Siya dahil sa Kanyang malasakit at pagmamahal sa atin. 

Panginoon, salamat po sa iyong pagmamalasakit at pagmamahal sa amin.

Amen.

Kasama (January 29, 2020)

Wednesday, 3rd Week in Ordinary Time

Third year college ako ng una akong ipadala sa mga parokya para sa aming Summer Apostolate. Dahil sa ito ay ang unang pagkakataon, natural ang takot o kaba. Naalala ko ang bilin ng aming moderator na pari noon. Sabi niya, “Huwag kayong matakot, bago kayo pumunta doon nauna na ang Diyos at sa pagdating ninyo doon sasamahan Niya kayo kaya ang lahat ang magiging maayos.”

Ito din ang makikita natin sa unang pagbasa, sinabi ng Diyos kay David sa pamamagitan ni Samuel na, “Kasama mo ako sa lahat ng dako.” Assurance ito ng pagpapala ng Diyos sa kanya at gayundin ang pahayag na ang lahat ay magiging maayos at mabuti sa kabila ng mga posibleng problema na ma-eencounter niya sa kanyang pamumuno.

Tandaan po natin, kasama natin ang Diyos. Di Niya tayo iiwan kaya patuloy sana tayong maniwala at magtiwala sa Kanya at gayundin maging masipag sa paggawa ng ating mga tungkulin.

Panginoon, salamat po sa patuloy mong pagtulong at paggabay sa amin. 

Amen.

Tanda ng Pag-ibig (January 28, 2020)

Tuesday, 3rd Week in Ordinary Time

Sa unang pagbasa kinuha ni David at dinala sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan.

Dito ipinakita ni David ang kanyang ang kanyang pagsamba sa Diyos. Nariyan ang alay na handog (Toro at pinatabang tupa) kasama ang bayang nagdiriwang. Pati ang kanyang sarili, suot ang isang linong efod nagsayaw siya harapan ng Panginoon. 

Ito ang mga bagay na ginawa niya tanda ng kanyang pagbibigay papuri at pagsamba sa Diyos–tanda ng kanyang pag-ibig sa Diyos. 

Di ba mahal mo din ang Diyos? Ano naman ang mga bagay na pwede mong gawin upang ipakita ito sa Kanya?

“What are the things you can do in the name of your love for God?”

Panginoon, tulungan mo po kaming patuloy kang ibigin sa Salita at lalo’t higit sa GAWA.

Amen.