Wednesday of the 5th Week of Lent
Daniel 3:14-20, 91-92, 95
Daniel 3:52, 53, 54, 55, 56
John 8:31-42
Fr. Donwen Villa
Formator
Holy Trinity College Seminary
Bautista, Labo, Camarines Norte
Ang pagninilay natin ngayon ay galing sa unang pagbasa sa aklat ni Daniel na kung saan pinagbantaan ni haring nabucodnosor ang tatlong binata na sina Sadrac, Mesac at Abednego na may mangyayaring masama kapag hindi sila sumamba si ginawa nilang diyos diyosan. Natuloy nga ang banta sapagkat nangako sila na iisa lang ang Diyos na kanilang sasambahin at walang iba kaya itinapon sila na nakagapos sa pugon na makapitong ulit na pinainit. Walang nangyaring masama sa kanila at ang lahat ay namangha sapagkat nakita nila na tila may kasama sila sa loob ng pugon na nagligtas sa kanila sa panganib at ang lahat ay nagpuri sa totoong Diyos pagkatapos.
Ang pananalig sa Diyos ay napakalaking bagay ilang beses na nating narinig sa banal na kasulatan na sinabing ang nagtitiwala sa totoong Diyos ay hindi nasisiphayo at hinding hindi mabibigo kailanman. Ang pananalig sa Diyos ang siyang pinagmumulan ng buhay at ito ang nagbibigay ng pag asa sa isang taong nagtitiwala sa Kanya.
Ngayong panahon ng kwaresma nagkataon din na panahon ng pagsubok sa lahat ng tao andyan ang takot at pangamba, ang kawalan ng pag asa at maaaring kawalan din ng pananalig sa Diyos. Napapanahon ang unang pagbasa para magnilay tayo sa gitna ng krisis na ito na maging katulad ng tatlong binata na hindi nawalan ng pananalig at tiwala sa Diyos sa gitna ng pagsubok at kahit pa sa banta ng kamatayan.