Insecure (January 23, 2020)
Thursday, 2nd Week in Ordinary Time
Madami na ako nakilalang mga insecure at mga selosong tao. Dalawang bagay ang napansin ko sa kanila…
Una, sinisira nila ang kanilang sarili dahil sa sobrang pag-iisip ng mga bagay na walang kwenta at pagseselos na di naman kailangan.
Ikalawa, sinisira at nasisira nila ang kanilang relasyon sa kapwa. (kaibigan/kasintahan/asawa/pamilya, maging sa taong pinagseselosan nila.)
Ito ang makikita natin sa ating unang pagbasa ngayon sa katauhan ni Haring Saul na lubos na naging insecure at nagseselos kay David. Dahil nga sa kanyang insecurity at pagseselos nasira ang kanilang relasyon to the point na nakapag-isip pa siya ng masama kay David… ninais niyang mapahamak/patayin siya.
Mga kapatid, huwag sana nating hayaan na maging insecure sa ating kapwa at maging seloso. Tandaan natin na pinagpala tayo ng Diyos sa maraming paraan. Binigyan niya tayo ng angking talino, galing at mga kakayahan. Hindi natin kailangan ikumpara ang ating sarili sa iba ni ang ating pakikitungo sa iba. Bagkos magandang isipin natin kung paano pa linangin ang mga kaloob sa atin at ng mapakinabangan ang mga ito. Gayundin paano natin maayos ang ating pakikitungo sa kapwa.
Sahalip na maging insecure sa iba mas mainam na isipin ang maaring gawing maganda para sa kapwa. Gamitin natin ang mga kaloob sa atin sa paggawa ng mabuti at gamitin natin ito para sa ating mas maayos na pakikipag-ugnayan sa ating kapwa.
Panginoon, tulungan mo po kaming makita ang magagandang biyaya mo sa amin. Sa halip na magkumpara ay turuan mo po kaming gamitin ang mga kaloob mo sa amin upang makatulong ito sa aming paglago at paglago ng aming ugnayan sa iyo at sa aming kapwa.
Amen.