Good Start (January 3, 2020)

Kung gusto natin ng maayos at magandang taon, KAILANGAN NATIN ITONG SIMULAN NG MAAYOS AT MABUTI.

Ang ating Ebanghelyo ay nagsusugest sa atin kung paano natin magandang simulan ang taon. Paano?

Katulad ni Juan Bautista, mahalagang kilalanin natin at tanggapin natin ang pagdating ng ating Panginoong Hesus sa ating buhay. Syempre, kasama ng pakilala sa Kanya ay ang pakikinig at pagsasabuhay ng Kanyang kalooban. Tandaan, di tayo magkakamali kapag sumunod tayo bagkos pagpapalain pa Niya.

Panginoon tulungan mo po akong tanggapin, sundin at mahalin Kang lalo sa taong ito.

Amen.

New Year (January 1, 2020)

Solemnity of the Motherhood of Mary

“GOD LOVES US, EVEN THE WORSTS OF US.”

Ito ang mensahe ng Santo Papa noong Christmas Eve. Ito din san ang dapat nating mabigyang diin upang sa pagsimula ng Taong 2020.

Una, MAHAL TAYO NG DIYOS. Ang pagmamahal Niya simula’t simula ay di kailanman magbabago. Kaya nga dapat sa pagsisimula ng taon maging positibo ang ating pananaw at maging una sa mga target ngayong taon ayy kung PAANO NAMAN NATIN MAIPAPAKITA SA DIYOS ANG ATING PAGMAMAHAL.

Ikalawa, “EVEN THE WORST OF US.” Sana sa pagtalikod ng taong 2019, nakita sana natin ang mga bagay na hindi maganda, Ng mga pangit sa buhay natin, tanggapin ito, makapagsisi at sa pagpasok ng taon at gaein ang lahat upang sa taong 2020 ay magkaroon ng pagbabago (transformation) sa buhay natin. ANG MAS MAPALAPIT SA DIYOS AT MAS SUNDIN ANG KANYANG KALOOBAN.

Ikatlo, “MAHAL NA BIRHEN, INA NG DIYOS.” Ang January 1 ay hindi lamang basta Bagong Taon bagkos ito ay pinatutungkol sa Mahal na Birhen na Ina ng Diyos. Sana makita natin ang pagdiriwang ng araw na ito na sa PAGBABABAGONG TAON, matularan natin ang Mahal na Birhen na mas maging bukas tayo sa Diyos at tanggapin siya ng may kagalakan sa pamamagitan ng ating MAS MAAYOS AT MABUTING PAMUMUHAY.

Panginoon, turuan mo po akong ibigin kang tunay at maipakita ko ito sa pag-iwan sa mga pangit sa buhay ko at gawing maging mas malalim ang aking PAKIKIPAG-UGNAYAN sa Iyo, PAGBABAHAGI NG MAARING MAAIBAHAGI para sa Iyo at PAGLAKBAY TUNGO SA KABANALAN.

Amen.

Pasasalamat (December 31, 2019)

7th Day of Chistmas

Sa ating Ebanghelyo, napag-usapan si Juan Bautista. Ito ang ipinangalan sa magiging tagapagpahayag at tagapaghanda sa pagdating ng Panginoon.
Ang Pangalang Juan ay nangangahulugang “ANG DIYOS AY MAPAGPALA.” Ito ay totoo at tayo mismo ang makapagpapatunay nito.

Sa huling araw ng taong 2019, marapat at matuwid na alalahanin natin ang napakaraming biyaya ng Diyos sa atin. Makita natin at mapahalagahan natin ito at gayundin ay MAKAPAGPASALAMAT tayo sa Diyos dahil sa Kanyang kabutihan sa atin. Kasama ng pasasalamat ay ang patuloy na pagdulog sa Kanya ng biyayang kailangan natin na makatutulong sa paglago natin sa ating pananampalataya at pag-unlad sa buhay.

PANGINOON, SALAMAT po sa iyong walang sawang pagpapala.

Amen.

Pasko pa (December 30, 2019)

Sixth Day of Christmas

“Maligayang Bagong Taon po Pader.” Ito na ang bati ng mga tao. Laging sagot ko naman ay Maligayang Pasko kasi sabi ko ay “Pasko pa.”

Mga kapatid, totoo na magbabagong taon na ngunit sana ang ating pagninilay ay nakatutok pa din sa pagsilang ng ating Panginoon o sa Kapaskuhan. 

Kahit nga ang Bagong taon, ito ay naka-focus sa Mahal na Birhen na pinahahalagahan natin dahil sa pagdala sa sinapupunan at pagsilang niya sa ating Panginoong Hesus.

Si propeta Anna ay ating huwaran sa araw na ito na nag-aanyayang pagnilayan ang biyaya ng kapanganakan ng Panginoong Hesus. Katulad din Niya tayo ay inaanyayahan na patuloy na papurihan at pasalamatan ang Diyos dahil sa Dakilang Pagpapala na ipinagkaloob niya sa atin. 

Panginoon, papuri at pasasalamat po sa iyo sapagkat sa pamamagitan ng iyong pagsilang kami ay napagpala mo.

Amen.

Feast of the Holy Family (December 27, 2019)

Madalas kong tinatanong ang mga nakikilala kong mag-asawa na nagsama ng matagal kung ano ang sikreto nila sa kanilang pagsasama.

Ito ang tatlo sa pinakamadalas na sagot nila na maari rin na makatulong sa inyo:

Una, bukas at maayos na komunikasyon. Sabi nga, “walang hindi naidadaan sa mabuti at maayos na usapan.” Tinutukoy nito hindi lang ang komunikasyon ng mag-asawa bagkos pati na din ng anak at nangg buong mag-anak.

Ikalawa, respeto at pagmamahal.

Ikatlo at higit na binibigyang diin nila ay ang DIYOS. Tandaan ang sinabi ni San Pablo, “Kung ang Diyos ay kasama natin sino ang makalalaban sa atin?”(Rom 8:31). Katulad ng karanasan ng Banal na Pamilya, iniligtas at ginabayan sila ng Panginoon at hindi hinayaang mapahamak. Gayundin tiyak ang gagawin ng Diyos sa ating mga tumatawag at naniniwala sa kanya. Ililigtas, gagabayan at pagpapalain.

Nawa matuto tayo sa karanasan ng Banal na Pamilya at mga pamilyang may maganda at mabuting pagsasamahan.

Pangjnoon gabayan mo po at pagpalain ang bawat pamilya lalo na ang mga pamilyang dumadaan sa iba’t-ibang pagsubok.

Amen.

Masaganang Buhay (December 16, 2019)

Unang Simbang Gabi

Ang tunay na MASAGANANG BUHAY ay buhay na MAY DIYOS. 
Pera at iba pang materyal na bagay ay mahalaga at nagbibigay sagana ngunit hindi sapat. Ni hindi maibibigay ng mga iyon ang tunay na kagalakan. Dapat nariyan lagi ang Diyos na pinagmumulan ng mga iyon at siyang nagbibigay saysay sa buhay.

Tanggapin natin si Jesus sa ating buhay at dalhin din natin siya sa ating pamilya, mga kaibigan at sa iba pa. Ipakilala natin siya sa kanila upang ng matamasa din nila ang buhay na malamang salat sa materyal na bagay ay maligaya.

Amen.

Stop, Look and Listen (December 13, 2019)

Friday, 2nd Week of Advent

Di nakita at nakilala nga mga Hudyo ang pagdating ng Panginoon dahil sa di naman nila si tumigil upang magnilay, nagmasid at nakinig sa mensahe ng Panginoon.

Mga kapatid, malapit na ang Pasko. Marahil lahat tayo ay magiging abala sa paghahanda at pag-asikaso ng maraming bagay. Ito rin ang danger kapag masyado tayong maging busy… di natin maapreciate ang pagdiwang bagkos makikita natin ang ating sarili na pagod at naubisan ng budget.

Mga kapatid, “STOP” huminto tayo sa kabila ng kaabalahan… magnilay at magdasal. “LOOK” pagmasdan natin ang kaligayahang dulot ng Pasko at makita natin upang makita natin na ito ay dulot ng presensiya at pag-ibig ng Diyos sa atin. “LISTEN” makinig tayo sa mga salita ng Diyos na ipinahahayag sapagkat ito ang magiging gabay natin sa aying pagdarasal at pagninilay at tutulong sa atin upang makita ang tunay na kahalagahan ng Pasko.

Sana ay maging makahulugan ang ating Pasko sa pamamagitan ng pagbubukas mga tainga at mata gayundin sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para sa pagdarasal at pagninilay.

Amen.

Your Turn (December 11, 2019)

Wednesday, 2nd Week of Advent

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay paanyaya na lumapit/dumulog /ibigin siya. Bakit siya nag-aanyaya? Sapagkat ginawa na niya ang kanyang bahagi at ang ating Ebanghelyo ay paalala na sana gawin din natin ang ating bahagi.

Tandaan, ang Pasko ay tungkol sa pagdating, paglapit at pakikipamuhay ng Diyos sa atin… ito yung bahagi niya… ang maabot tayo pero ang tanong inaabot din ba natin siya? Kailangan din natin ang pakikisa… we have to really KNOW and DO our Part. Kailangan din nating mamuhay ng maayos at matuwid bagaman mahirap.

Panginoon, tulungan mo po akong laging kumilos upang gawin ang dapat at mabuti bilang pagtugon sa iyo. 

Amen.

Sana All (December 10, 2019)

Tuesday, 2nd Week of Advent

“SANA ALL,” madalas ko itong marinig sa mga kabataan. Ito ay nangangahulugang, sana lahat, sana kasama din kami, sana walang maiwan. 

Mga kapatid kung pag ninilayan natin ang Ebanghelyo natin ngayon, makikita nating ito rin sa isininasalaysay ng Panginoon. SANA ALL kase ALL/LAHAT ay nais ng AMA na makasama. Ayaw niya ni isa ang mapawalay o mapahamak. Ito ang dahilan ng Pasko o ng pagdating ng Panginoon. Ang LAHAT AY MAPAGPALA, MAPABUTI at MAKASAMA Niya.

Nais ng Diyos kasama tayong lahat, sana nais din nating Siyang makasama at makapiling. Piliin natin Siya at ipakita natin sa kanya ang ating pagpili sa pamamagitan ng ating pang-araw araw na pagkilos

Amen.

Preparasyon (December 8, 2019)

2nd Sunday of Advent

Pagpasok pa lamang ng September, kapansin-pansin na simula na din ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng PASKO. May awiting pampasko na, sa mga tindahan ay simula ng pagbebenta ng mga palamuting pampasko at simula na din ng pagkabit nito.
Ngayong 17 araw na lang bago magpasko tiyak ako na abala na ang lahat para sa regalo, pagkain at marami pang iba. Abala na ang marami para maipagdiwang ang Pasko.

Ngayong ikalawang Linggo ng Adbiyento, pinaalalahanan tayo ng isa pang mahalagang dapat nating ihanda… yun ay ang ating SARILI. Sabi Juan Bautista sa Ebanghelyo… “pagsisihan ninyo ang inyong mga kasalanan.” Sabi sa pambungad na panalangin… huwag nawang makasagabal ang ating pinagkakaabalahan sa paghahanda natin para sa makubuluhang pagdiriwang.

Panginoon, turuan mo po akong MAGPAKUMBABA upang makita at maamin ko ang aking mga kasalanan at bigyan mo po sana ako ng LAKAS NG LOOB upang maakadulog ako sa Sakramento ng Pagbabalikloob bilang aking paghahanda sa pagdiriwang ng iyong kaarawan.

Amen.

Pundasyon (December 5, 2019)

Thursday, 1st Week of Advent

Ang tatag ng isang gusali ay nakadepende sa kung anong klaseng pundasyon inihanda at meron ito. Gayundin ang tatag ng isang tao… nakadepende ito sa pundasyon meron siya. 

Sa ating Ebanghelyo, ipinapahayag sa atin na ang pananampalataya sa Diyos ay marapat at maaasahang pundasyon sa ating buhay. Kaya nga, kailangang matuto sana tayong dumulog sa Diyos sapagkat ang mga taong dumudulog sa kanya ay tiyak na pinagpapala at hindi niya pinababayaan. Siya kasi ang nagbibigay lakas at pag-asa… siya kase ang tumutulong… siya kase kasa-kasama.

Sabi sa kanta… “si Kristo ang sandigan dinvmagigiba… kasing tatag ng kabundukan, di magigiba.”

Panginoon, huwag mo po kaming pababayaan bagkus lagi mo po kaming tulungan.

Amen.

Gusto at Masaya (December 4, 2019)

Wednesday, 1st Week of Advent 

Tatlong araw niyang kasama ang mga tao sa paanan ng bundok. Nagtuturo siya sa kanila at nagpapagaling ng mga dinadala sa kanyang may sakit. TATLONG ARAW iyon… hindi ba siya napapagod?

Tayong mga tao kapag may gusto tayo at masaya tayo di ba hindi tayo nagsasawa gawin iyon? Gayundin ang Panginoon… gusto niya at masaya siya sa pagtupad at paggawa ng kalooban ng Diyos kaya mapagod man siya, walang problema, masaya niya itong gagawin at uulit-ulitin.

Sana gayundin tayo… ginagawa ang kalooban ng Diyos. Totoo nakakapagod pero sana gusto natin ito at masaya nating ginagawa ito upang di tayo magsawa at di tayo tumigil.

Panginoon, turuan mo po kaming naisin at maging masayang sundin ang kalooban mo.

Amen.

Walang Pakialam (December 2, 2019)

Monday, 1st Week of Advent

Napakasensitibo ng Romanong Kapitan sa ating Ebanghelyo. Ipinakita niya ito sa mga sumusunod na pangyayari:

Una, sa kanyang pagkalinga sa kanyang alipin. Nag-abala siya, nagpakababa siya sa harap ng Panginoon para mapagaling ang kanyang alipin.

Ikalawa, hindi niya hinayaang pumunta ang Panginoon sa kanyang tahanan. Alam niya kasing mapapahamak Siya kapag pumasok sa kanyang tahanan, iisipin at pag-uusapan siya ng mga Hudyo na pumasok sa tahanan ng Hentil/makasalanan at dahil doon ituturing madumi.

Mga kapatid, ito ang isa sa mga ugali na sana ay huwag mawala sa atin..
“ang pagiging sensitibo sa kalagayan ng ating kapwa.” Ito ang isa sa mga problema natin sa panahon ngayon… ang KAWALAN NG PAKIALAM sa kapwa dahil SARILI LAMANG ANG INIISIP. 
Mga kapatid, pagiging sensitibo ay napakahalaga sapagkat makatutulong ito sa atin upang makita at maunawaan natin ang kalagayan ng ating kapwa. Ito rin ay makatutulong sa atin para malaman natin kung ano ang pwede nating magawa at maitulong sa kanila.

Panginoon, turuan mo po akong maging sesnsitibo sa kalagayan ng aking kapwa at gayundin turuan mo po akong maging bukaspalad upang makatugon ayon sa aking kakayahan ako sa pangangailangan nila.

Amen.

“TISOY” (December 1, 2019)

by: Rev. Fr. Phillip Ibasco
1st Sunday of Advent

“Maging HANDA kayong lagi” ( Mt 24:44). Ang babalang ito ay nasasapanahon hindi lamang dahil parating ang isang malakas na bagyo kundi dahil nasa Unang Linggo ng Adbiyento na tayo ng isang bagong liturgical year. Paanyaya ito na paghandaan natin ang pagdating ni Hesus, hindi lamang ang paggunita natin sa una Niyang pagdating nang Siya ay isinilang noong Unang Pasko, kundi ang Kanyang maluwalhating pagbabalik sa wakas ng panahon. 

Paano tayo maghahanda? Ang pangalan ng matinding paramdam ng kalikasan – TISOY – ay may makahulugang paalaala:

T = Tanggapin ang Salita ng Diyos nang may pananampalataya. Si Hesus ay ang Salita na Diyos na nagkatawang-tao (Jn 1:1,14) upang ipagkaloob sa atin ang tunay na masaganang buhay (Jn 10:10b). Nais Niyang pakinggan natin Siya araw-araw sa taimtim na pagbabasa at mapanalanging pagninilay sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.

I = Itigil at iwasan ang bisyo at adiksiyon sa mga masama at nakasisirang gawain (Galatia 5:19-21).

S = Sakramento ng pakikipagkasundo at Eukaristiya ay tanggapin nang malimit at marapat upang manatili tayo sa piling ng Panginoon (Jn 15:4a).

O = Orasyon at pananalangin ay laging gawin (1 Tesalonika 5:17). 

Y = Yakapin at gawin ang kalooban ng Diyos nang agaran, masaya at tapat sa matuwid at mapagmahal na pamumuhay (Roma 12:1-2). 

Ipanalangin natin sa Panginoon na huwag lubhang makapinsala ang bagyong si Tisoy. Hingin din natin na sa pamamagitan ng T.I.S.O.Y. ay maging laging handa tayo sa muling pagdating ni Hesus at ligtas sa kasalanan at kaparusahan.

Maghari (November 29, 2019)

Friday, 34th Week in Ordinary Time 

Ang tanda ng paghahari ng Diyos sa ating Ebanghelyo ay ang pag-usbong ng mga dahon ng igos at ibang punong kahoy…

Ang tanda ng paghahari ng Diyos sa atin ay ang pag-usbong ng kabutihan sa ating mga buhay o kung kinakikitaan ng kabutihan ang ating mga pagkilos. Magandang pagnilayan natin kung tunay ngang naghahari na ang Diyos sa buhay natin… tingnan natin kung ano pa ang mga dapat alisin o tanggalin sa ating mga buhay upang tunay nga na maghari ang Diyos sa atin.

Panginoon, baguhin mo po ako. Tulungan mo po akong maging bukas sa iyong kalooban. 

Amen.