Guardian Angel (October 2, 2019)

Tuesday, 26th Week in Ordinary Time

He has given his angels charge over you to guard you in all your way…

Higit pa sa isang magulang ang Diyos na iniisip niya lagi ang ating kaligtasan. Ninanais niyang lagi tayong mapabuti kaya ipinadala niya ang kanyang mga anghel oara sa ating kabutihan.

Sabi nga ni San Bernado…
“The angels are here; they are at your side, they are with you, present on your behalf. They are here to protect you and to serve you.”
idinagdag pa niya…
“… they are our guardians and trustees appointed and set over us by the Father…”

Nawa, matuto tayong maging sensitibo at bukas sa udyok at paggabay ng mga anghel na gabay natin. Gawin natin ang mabuti at iwasan natin ang masama. Tandaan, kapag kasama natin at sinusunod natin ang ating Anghel na Gabay, wala tayong dapat ikatakot sapagkat ang lahat ang magiging maayos.

Amen.

St. Therese of the Child Jesus (October 1, 2019)

Tuesday, 26th Week in Ordinary Time

Mass presided by Bishop Rex Alarcon during the Feast of St. Therese of the Child Jesus at Holy Trinity College Seminary, Labo, Camarines Norte.

“Padre, promise as soon as i retire magseserve po talaga ako”
Madaming beses ko na itong narinig ngunit sabi ko okay na din ito kaysa naman di na talaga magserve.

Sa Ebanghelyo ngayon, ang ating Panginoon na nagpasya na tumungo sa Jerusalem. Desidido siya na masunod at matupad niya agad ang kalooban ng Ama. Ginawa niya ito sa kabila ng mga sagabal at panganib sa kanya.

Ngayong araw na ito inaalala natin si Sta. Teresita. Sa kanya makikita ang maagang pagnanais na maglingkod at mag-alay ng kanyang sarili. Kahit na may sagabal ginawa niya lahat para siya ay matulutan na makapasok sa Carmel at maialay ang kanyang sarili sa panalangi at paglilingkod sa Panginoon. Kaya nga sa edad na labinglima siya ay nagsimulang maglingkod sa Diyos bilang isang Karmelitang madre noong 1888.

Ikaw? Kailan ka tutugon sa tawag ng Panginoon? Anu-ano/sinu-sino ba ang mga pumupigil sa iyo upang makapaglingkod sa Panginoon? Hahayaan mo na lang ba silang pigilan kang palagi sa paglingkod sa Panginoon? Tularan natin ang Panginoong Jesus at si Sta. Teresita na walang hinayaang pumigil sa kanilang pagtugon sa Diyos.

Amen.

San Geronimo (September 30, 2019)

Monday, 26th Week in Ordinary Time

“Ignorance of Scripture is ignorance of Christ.”

St. Jerome

Kaya magbasa ng bibliya…
magpa-gabay sa simbahan upang maunawaan ang ipinahahayag nito lalo’t higit makilala ang Panginoong Jesus at magnilay para sa mas malalim na ugnayan sa Diyos.

Amen.

Gawa (September 29, 2019)

26th Sunday in Ordinary Time

Wala siyang ginawang MASAMA ngunit ang problema WALA DIN SIYANG GINAWANG MABUTI.

Ang tunay na pananampalataya ay buhay… kumikilos at gumagalaw. Kaya nga kapag ang pananampalataya ang pinaguusapan kaugnay palagi dito ang pakilos at paggawa ng mabuti. Ang kapahamakan ng mayamang lalaki sa Ebanghelyo ay dahil sa kakulangan ng paggawa ng mabuti na siyang hinihingi ng Panginoon. 

Ikaw, bukod sa pag-iwas mo sa paggawa ng masama… may ginagawa ka bang mabuti tanda ng iyong buhay at aktibong pananampalataya? 

Panginoon turuan mo po akong maisabuhay ang aking pananampalataya.

Amen.

Umaagos ang mga Biyaya (September 28, 2019)

Saturday, 25th Week in Ordinary Time
Kapistahan ni San Lorenzo Ruiz

“All who saw it were astonished at God’s wonderful work…”

Mabuti at mapagmahal ang Diyos… lubos niya itong ipinahahayag sa pamamagitan ng kanyang mga biyaya sa atin. 

Isa sa ipinahihiwatig sa atin ng Diyos sa ating Ebanghelyo ngayon ay kanyang mga pagpapala. 
Oo, patuloy tayong pinagpapala tayo ng Diyos sa kanila ng ating mga kakulangan sa kanya. Kung minsan nga lang di natin ito napapansin dahil busy tayo sa pagsilip sa mga biyaya na natatanggap ng ating kapwa o kaya naman ay busy kahihingi sa Diyos ng kung anu-anong di naman kailangan talaga.

Mga kapatid, umupo sana tayo at magdasal/magnilay ng makita natin ang mga napakagagandang biyaya ng Diyos sa buhay natin na umaagos para sa ating kabutihan at katulad ng mga tao na nakasaksi sa kabutihan ng Diyos, mamangha din tayo, makapagpasalamat at magbigay papuri sa ating Diyos na mapagpala.

Ito marahil ang nakita ni San Lorenzo Ruiz sa kanyang buhay kaya minahal niya ang Diyos hanggang sa ninais niya na kung may isang libong buhay siya ay iaalay niya itong lahat sa Diyos.

Panginoon Salamat po sa napakaraming biyayang iyong kaloob sa akin

Amen.

Dasal (September 27, 2019)

Friday, 25th Week in Ordinary Time

“Jesus was praying alone…”

Marami sa mga mananampalataya ay nagdarasal lang kung may kailangan sa Diyos o kaya naman ay kung may pinagdaraanan.

Sa ating Ebanghelyo ngayon, binibigyan tayo ng Panginoon ng magandang halimbawa at ito ay ang paglalaan ng Panginoon ng panahon para sa pagdarasal. Ipinakikita ng Panginoon na ang pagdarasal ay napakahalaga… at ang pagdarasal ay dapat nilalaanan/hinahanapan ng oras at panahon. Isa kasi ito sa mahahalagang pagkakataon sa buhay ng isang tao sapagkat sa pamamagitan nito tayo ay nakikipag-usap sa Diyos.

Sabi nga… ASAP-Always Say A Prayer. Ugaliing magdasal upang magkaroon pa tayo ng mas malalim na ugnayan sa Diyos at maidulog natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.

Amen.

Sino (September 26, 2019)

Thursday, 25th Week in Ordinary Time

“Who is this man?”

Sino ba para sa iyo ang Panginoon Jesus? Ito ang isa sa maaari nating pagnilayan mula sa ating ebanghelyo ngayon.

Mga kapatid, isa sa mga aim o dapat nating bigyang pansin sa ating mga buhay natin ay ang makilala ng lubos ang Panginoon at magkaroon pa ng malalim na ugnayan.

Ito ang dahilan kung bakit may Katekesis… hindi lamang basta magturo at magbigay ng inpormasyon bagkos, makilala natin ng lubos ang ating Panginoong Diyos ay magkaroon tayo ng malalim na ugnayan sa ating Panginoong Diyos.

Kaya nga marapat lamang na maglaan tayo ng panahon para sa pagbabasa ng mga katekesis, bibliya at makapagdasal/makapagnilay dahil sa pamamagitan nito makikilala at mauunawaan natin ang Panginoon. Sa pagkakaroon ng kaunawaan, magkakaroon din ng kahulugan at saysay ang ating mga ginagawa at tiyak ito ay patungo sa malalim na ugnayan sa Diyos. 

Amen.

Travel Light (September 25, 2019)

Wednesday, 25th Week in Ordinary Time

“Don’t take anything for the journey…”

Isa sa mga kinahiligan ko ay ang maglakbay at mamasyal. Madaming lugar na din akong napuntahan dahil sa pagmimisyon/obligasyon o dahil sa paanyaya ng kaibigan at pamilya. Sa aking mga paglalakbay, natutunan ko ang kasabihang “TRAVEL LIGHT.” Mahirap naman talagang maglakbay ng napakaraming daladala. Nagiging hadlang ito sa mas mabilis, maayos at mas nakakarelax na paglalakbay.

Mga kapatid, totoo din ito pagdating sa ating paglalakbay bilang mga mananampalataya. Kapag marami tayong daladala, mapapagod at mahihirapan tayo. Kaya nga mahalagang i-unload natin ang ating mga sarili ng mga bagay na nagpapabigat sa ating paglalakbay upang mas maging magaan at madali ito. I-unload natin ang ating sarili sa mga sagabal katulad ng GALIT at HINANAKIT sa kapwa na kung minsan ay napakatagal na. Gayundin ang di pagbitaw sa KABIGUAN sa buhay kaya puro SELF-PITY na ang ginagawa. Isama pa natin ang pagiging materyoso natin na nagdadala sa atin ng stress at kung madalas ay PAGKAINGGIT, PANDARAYA/PANANAMANTALA sa kapwa… at iba pa.

Mga kapatid, katulad ng sinasabi ng ating Panginoon sa Ebanghelyo, iwan na natin ang mga iyan. Huwag na nating daladalahin ang mga iyan sapagkat iyan ay makakasagabal lamang sa ating paglalakbay.

Panginoon, tulungan mo po akong iwan ang mga bagay na aking daladala na nakasasagabal patungo sa iyo.

Amen.

Kasangkapan (September 24, 2019)

Tuesday, 25th Week in Ordinary Time

Sa unang pagbasa, matutunghayan si Haring Darius. Siya ay ang paganong hari ngunit sa pamamagitan niya, ang mga Israelita ay nakabalik sa kanilang bansa at naitayo muli ang templo ng Diyos. Bagamat pagano siya ay naging instrumento o kasangkapan ng Diyos para sa kabutihan ng mga Israelita.

Mga kapatid, ano man ang sitwasyon natin o sino man tayo, maari din tayong maging kasangkapan o instrumento ng Diyos. Katulad ni Haring Darius, sana maramdaman ng mga tao sa paligid natin ang pag-ibig ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng ating mabuti at maayos na pakikitungo sa kanila at pagbabahagi natin ng ating biyaya sa kanila.

Amen.

Ilaw (September 23, 2019)

Monday, 25th Week in Ordinary Time

“No one who lights a lamp conceals it with a vessel or sets it under a bed; rather, he places it on a lampstand so that those who enter may see the light.”

Ang ilaw ay dapat magbigay liwanag. Ang liwanag na dulot ng ilaw ay nagiging gabay sa paglalakbay. Sa araw na ito, pagnilayan natin ang isang ilaw ang maari nating maging gabay sa araw-araw… siya ay San Padre Pio ng Pietrelcina.

Isa sa mga bilin niya na maaaring makatulong sa atin ay ang kanya g paalala na… “PRAY, HOPE AND DON’T WORRY. Worry is useless. God is merciful and will hear your prayer.”

Huwag sana tayong magsawang tumawag sa Kanya at matutong magtiwala sa Kanya.

Amen.

INA (September 22, 2019)

Feast of the Our Lady of Peñafrancia

VIVA LA VIRGEN!

Ngayong araw na ito ay nagdiriwang ang buong BICOL dahil sa Mahal na Virgen ng Peñafrancia na tinatawag na INA.
Ano nga ba ang meron siya?
Bakit lubos siyang kinikilala nating mga Bikolano at ng kanyang deboto?

Sa ating Ebanghelyo, nagpahayag si INA ng kanyang KAGALAKAN at Pagpupuri sa Diyos… ang dahilan ay si JESUS na ating Panginoon na kanyang TINANGGAP sa kanyang buhay. 
Dahil sa kanyang pagtanggap sa Panginoon siya ay pinagpala… at siya din ay naging pagpapala sa ating lahat na siyang nagdudulot ng galak sa napakaraming tao na kanyang natulungan bilang tagapamanhik sa Diyos. Sa pamamagitan niya at ng kanyang panalangin, naranasan ng maraming tao ang DIYOS na MAPAGMAHAL at MAPAGPALA.

Kaya nga, sa mga deboto ni INA, na nagtutungo sa Naga upang manalangin at humingi ng tulong, bagaman napapagod, napupuyat, nagugutom at nauuhaw ngunit kapag dumarating na si INA, nahahawakan siya, nakapagsimba na, napapalitan ito ng galak at pag-asa.

Mga kapatid, katulad ni INA, tanggapin din sana natin ang Panginoon JESUS. Pakinggan siya at sundin. Hayaan natin siyang kumilos sa ating mga buhay upang katulad ni INA, maranasan natin ang GALAK na dulot niya at gayundin dahil sa ating pakikinig at pagsunod sa kanya ay maging pagpapala at tagapagdala din tayo ng pagpapala sa ating kapwa.

Birhen ng Peñafrancia, aming INA,
ipanalangin mo po sana kaming lagi.

Amen.

Demanding (September 16, 2019)

Monday, 24th Week in Ordinary Time

Pansinin natin ang ating mga sarili… kapag dumudulog tayo sa Diyos, kung minsan di na ito pakiusap sa Diyos kundi DEMAND na sa kanya. Minsan maya palabok pa na pambobola… kapag binigay mo ito Lord magbabago na ako… magseserve na ako… magpapakabait na ako.. etc.

Matuto sana tayo sa Kapitan na Romano na nasa ating Ebanghelyo ngayon. 

…dumulog siya sa Panginoon ng may pagpapakumbaba, “hindi ako karapat-dapat humarap sa inyo at hindi po ako karapat-dapat na puntahan sa aking tahanan.”

…naniniwala siya sa kabutihan at kapangyarihan ng Panginoon, “magsalita ka lamang at gagaling na ang aking alipin.”

…hindi makasarili ang kanyang idinulog, sapagkat ang idinulog niya ay ang kanyang alipin na may sakit at mamamatayin.

Demanding ka ba kay Lord? Sa totoo lang wala ka o tayong karapatan na magdemand sa kanya. Kaya tularan natin ang Kapitan na nagpakumababa, dumulog at nakiusap kasama ang pagtiwala sa tugon ng Panginoon.

Amen.

Sayang (September 15, 2019)

24th Sunday in Ordinary Time

Kapag nakita natin ang isang bagay na pinaghirapan nating makuha o mabili, usually pinahahalagahan natin, kapag nasira ipinaaayos… pinanghihinayangan kase natin.

Kapag ang isang bata ay nakita natin na di umaasenso sa kabila ng kanyang talento o potensiyal… hindi ba pinanghihinayangan natin?

Ang mga magulang, gaano kasama ang kanilang mga anak, di nila matiis sapagkat nanghihinayang sila at umaasa pa din sila na magbabago.

Ganyan ang Diyos sa atin. Pilit niya tayong inaabot at inaangat sapagkat nanghihinayang siya sa atin. Tandaan natin Pawis, Dugo at Buhay ang ibinuhos niya sa pamamagitan ng Panginoong Jesus para sa ating kabutihan kaya di niya tayo bibitawan. Kaya nga patuloy niya tayong pinagpapala kahit na masama tayo dahil sa mahalaga tayo sa kanya at ayaw niyang masayang tayo.

Iyan ang isa sa mga mensahe sa atin ng Parabula ng Alibughang na Anak. 

Amen.

Krus (September 14, 2019)

Feast of the Exaltation of the Cross

Pagnilayan nnatin ang ipinahahayag sa atin ng Kapistahang ito.

K – ilalanin natin ang Kadakilaan ng Diyos na nagkaloob sa atin ng kanyang anak, ang Panginoong Jesus na nagkatawang tao para tayo ay iligtas at pagkalooban ng bagong buhay
R – espeto at pagtanggap sa KRUS dahil dito naisagawa ang pagliligtas niyang kaloob para sa lahat.
U – nawain natin ang kanyang mga ipinahayag na katuruan upang makita ang kahalagahan nito.
S – undin ang kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanyang katuruan araw-araw. Ito ang sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus na buhayin at dalahin natin ang ating Krus.

Amen.

Power (September 12, 2019)

Thursday, 23rd Week in Ordinary Time

Sabi ni Einstein, “LOVE IS POWER.”
Power nga ba ang Pag-ibig?

Kapag umiibig may TIYAGA.
Kapag umiibig natututong MAGSAKRIPISYO, MAGTIIS at MAGTYAGA.
Kapag umiibig kayang malampasan ang mga pagsubok.
Ngunit higit sa lahat kapag TUNAY NA UMIIBIG… may KALIGTASAN sapagkat makakayanan ang pagtugon sa kalooban ng Panginoon.

Sa ating Ebanghelyo, hinihimok tayo ng Panginoon na umibig sapagkat sa pamamagitan nito makakayanan natin ang TUMUGON sa KALOOBAN ng Diyos. Halimbawa na dito ay ang pagpapatawad at gayundin respeto at pagibig sa mga taong di naman takaga kaibig-ibig.

Panginoon turuan mo po akong magmahal ng katulad mo.

Amen.